Kung bakit naman talagang ang layo ng bahay nya. Kung hindi lang medyo moderno yung mga bahay at sementado na yung mga daanan, aakalain mong nasa bundok ka na. Bukod sa layo ng biyahe, ang dami pang sakay bago ka makarating sa talagang pakay mo..haay..pero 'eto pa rin ako pabalik-balik, hindi nagsasawa.
Marahil nga ay ganito na ako habang buhay, nakatali sa kung anong meron kami ngayon at magiging kinabukasan. Masaya ako ng ganito. Ngayon lang ako nakuntento sa buhay ko. Kung noon ay puro lakwatsa at barkada ang iniisip ko, iba na ngayon. Responsibilidad ang lagi kong inuuna bago ang ibang mga bagay. Siguro dahil na rin sa naging hirap ko sa buhay at mga natutunan ko sa pagharap sa tunay na mundo.
Siguro ay hindi ko kakayanin kung ako lang mag isa at hindi ko siya kasama. Madalas ay tinatanong niya ako kung bakit ko siya hinanap. At lagi ko naman siyang sinasagot, "dahil ni minsan ay hindi kita kinalimutan". Pawang katotohanan. Nagkahiwalay man kami sa mahabang panahon upang ayusin ang kanya-kanya naming mga buhay,nag-aral hanggang nagkatrabaho, nagkaroon ng sari-sariling buhay pag-ibig at nakihalubilo sa magkakaibang klase ng tao, alam ko sa sarili ko na siya pa rin ang gusto ko. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay lagi ko siyang hinahanap noon sa internet. At sa tulong na din ng mga makabagong teknolohiya at pamamaraan ay nakita ko sya sa wakas. Sa kanya ko nalaman ang masaklap niyang kwento ng pag-ibig. At ako habang tumatagal ay unti-unting naghihilum ang sugat dala na din ng kabiguan sa isang relasyon na inakala kong walang hanggan.
Nakakatuwa mang isipin na ang mga batang paslit kung ituring namin sa aming mga sarili noon ay nagtagpo muli at nagkaroon ng lugar sa buhay ng isa't isa.
Nasa magkabilang dako man ng mundo o malapit sa isa't isa, walang magbabago. 'Yan ang aming ipinangako at paninindigan hanggang sa huli. At kung dumating man ang araw na kami'y magkakahiwalay, ang buhay ay walang saysay at walang kabuluhan...
No comments:
Post a Comment